Mabulaga ang  ilang expeditioner sa Antarctica nang biglang sumampa sa sinasakyang nilang bangka ang ilang cute na penguin. Sa Australia naman, nabulabog ang isang pamilyang namimingwit nang ikutan ng isang malaking pating ang kanilang bangka sa dagat.

 


Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes," sinabing biglang sumulpot mula sa tubig at tumalon papunta sa kanilang research boat ang pitong penguin.

Nangongolekta raw noon ng water samples ang mga expeditioner nang sumulpot ang mga penguin para sa isang Australian Antarctic program.

Sa hiwalay na ulat naman ng GMA News TV "Balitanghali," sinabing nabulabog ang isang pamilyang nangingisda sa gitna ng dagat sa Victoria, Australia nang bigla silang ikutan ng isang dambuhalang pating.

 


Pinaniniwalaan na great white shark ang malaking pating na ilang beses umikot sa bangka.

Sumabit pa sa tali ng isa nilang pamingwit ang pating na nagpasyang umalis na lang sa lugar.

Wala namang nasaktan sa pambihirang insidente. --FRJ, GMA News