Labing-siyam na Russian girls ang dinakip ng mga awtoridad matapos na mabistong nagtatrabaho sa isang club sa Angeles City, Pampanga nang walang kaukulang dokumento.

Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing naaresto ang mga dayuhang babae sa isinagawang raid ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).

Ilegal daw na nagtatrabaho ang mga dayuhan, base sa natanggap na impormasyon ng mga awtoridad kaya isinagawa ang operasyon.

Sa operasyon ng BI, nagpanggap na parokyano ng club ang isang kawani ng intelligence division para makumpirma ang impormasyon.

Natuklasan na pang-turista lang at walang working permit ang mga Russian girls.

Arestado rin ang dalawang Korean na sinasabing recruiter ng mga dayuhang babae.

Nasa kustodiya na ngayon ng immigration ang mga babae na isinailalim na sa inquest proceeding. Ipapa-deport din umano ang mga babae. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News