Napadpad ang isang patay na babaeng great white shark sa baybayin ng Barangay Lobbot sa bayan ng Dipaculao sa lalawigan ng Aurora.

Photos by Kabalikat Civicom/Eddie Rebueno

 

 

Laking gulat ng mga taga-barangay dahil ngayon lang sila nakakita ng ganito kalaking pating, na aabot sa 17 talampakan.

Dahil sa paunti-unti nang nawawala ang mga white shark sa karagatan, itinuturing ito ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) na "vulnerable."

Ipinagbabawal sa batas sa Pilipinas ang paghuli at pagkatay sa mga white shark.

 

Hindi nakitaan ng malaking sugat ang pating. Pawang mga gasgas lang sa nguso nito. Lumubog ang ilang ngipin nito dahil sa pagsalpok sa isang matigas na bagay.

Nakita ding bugbog ang dibdib nito. Maraming dugo ang lumabas sa bibig na maaaring dahilan ng pagkamatay ng pating.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Baler, nailibing na ang great white shark, at  hindi na ito isinailalim sa necropsy.

Ang great white shark ay karaniwang matatagpuan sa malalamig na bahagi ng dagat.

Wala pang gaanong pag-aaral ang mga dalubhasa tungkol dito dahil sa pagiging mailap at matapang.

Sa record ng marine biologists, pang apat na pagkakataon pa lang na nakakita ng great white shark sa Pilipinas. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News