Labis na nag-aalala ang kamag-anak sa Pilipinas ng isang overseas Filipino worker na nasa Jeddah, Saudi Arabia na pinagmamalupitan umano ng amo.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, umiiyak na dumulog si Chona Puebla para ipasagip ang kaniyang pinsan na mamasukang kasambahay sa Jeddah.

Isang linggo na raw ang nakalilipas mula nang huli niyang makausap ang pinsan na nagsimulang magtrabaho sa Jeddah noong Enero 2017.

Sa kanilang huling pag-uusap, nagpapasaklolo na raw ang pinsan niya dahil hindi na nito kaya ang pambubugbog ng babaeng employer na isang Saudi national.

Sinabi pa ni Puebla na isang buwan pa lang mula nang magtrabaho ang kaniyang pinsan sa Jeddah ay nag-umpisa na raw itong saktan ng amo.

Malaki na rin daw ang ipinayat ng kaniyang pinsan na halos hindi niya makilala.

Sa isang video gamit ang cellphone, nakitang sumuka ng dugo ang OFW.

"Sinasaktan siya konting pagkaka-ano. 'Yung nakaraan nga daw tinulak, kasi 4th floor 'yung bahay,  itinulak sa hagdanan. Buti nakahawak kundi patay na pinsan ko, nakakaawa," ayon kay Puebla.

Minsan na rin daw dinala ng amo sa ospital ang OFW nang bumigay ang katawan nito. Pero nang gumaling, muling ibinalik sa bahay.

"Ginaganoon lang ng ibang tao, pabayaan lang din ng agency nila kumita na kasi sila. Ayaw ko lang po iuwi 'yung pinsan ko dito na bangkay na. Mahirap naman 'yun, sir bagahe na. Maayos umalis, pag-uwi bagahe na," pangamba pa niya.

Naiparating na ni Puebla sa Overseas Workers Welfare Administration ang kalagayan ng kaniyang pinsang OFW.-- FRJ, GMA News