Sa tulong ng alagang aso, nagwakas na ang paghahanap ng mga kaanak ang 15-anyos na dalagita na bigla na lang nawala noong Disyembre sa San Carlos City, Pangasinan. Ilang metro mula sa bahay ng biktima, nakita ang naagnas niyang bangkay.

Sa ulat ni Kim Bandarlipe sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nangangamoy at naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ni Melissa de Guzman, sa isang liblib na lugar sa Barangay Tarece, San Carlos City.

Disyembre noong nakaraang taon nang mawala ang dalagita na lumabas lang umano ng bahay matapos kumain.

Ayon sa pulisya, nakita ng may-ari ng aso ang kaniyang alaga na may kagat-kagat na bagay na nang suriin ay natuklasang parte ng katawan ng tao.

"Nilapitan ko dahil mabaho nga, itatapon ko sana. Kitang-kita ko nga, nakabitin 'yung paa. sabi ko, 'tao ito," kuwento ng may-ari ng aso.

Kaagad na tumawag sila ng mga otoridad para hanapin at ipasuri ang bangkay.

Kinumpirma ng mga kaanak na si De Guzman ang nakitang bangkay sa liblib na lugar na ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, may nakitang dalawang butas sa bungo ng biktima na posibleng dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang nangyari sa biktima at kung sino ang nasa likod sa krimen. -- FRJ, GMA News