Hinabol ng Kapuso at Alyas Robin Hood actor na si Rob Moya ang snatcher na tumangay ng kanyang cellphone habang binabagtas ang C5 road nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras nitong Linggo, kinuwento ni Moya na pauwi na sana siya sa Pasig nang biglang may kumalampag sa likod ng kanyang kotse.

"So siyempre ang initial reaction mo is lalabas ka at siyempre 'yung kotse sa likod mo malapit lang... it's very close to your... bumper to bumper, traffic eh. Siyempre iisipin mo na nabangga ka talaga. Then 'yun pala may kasama siya na kasabwat niya na nasa kabilang side ng kotse, binuksan 'yung pinto at kinuha 'yung cellphone ko," kwento ni Moya.

So hinabol ko talaga, whatever it takes, as long as may ginawang mali 'yung tao siyempre ayoko rin naman mangyari sa ibang tao 'yun," dagdag pa ni Moya.

Ayon kay Moya, pumara pa raw siya ng motorista para lamang mahabol ang suspek.

"Nag-para pa ko ng isang motorista, salamat po sa inyo kung sino man kayo. Nahuli namin ang isa sa kanila," sabi ni Moya.

Nahuli naman ang isa sa mga suspek na kinilala bilang si Johaini Amal na mahaharap sa kasong robbery-snatching.

"Nadamay lang po. Kasama ko po 'yung kumuha," sabi ni Amal.

Patuloy namang tinutugis ng awtoridad ang isa pang suspek na kinilala bilang "Jimrex." — Anna Felicia Bajo/BM, GMA News