Isang 13-anyos na babae ang masuwerteng nakatakas mula sa mga dumukot at nagsakay sa kaniya sa isang van sa Biñan, Laguna. Pero sa loob ng sasakyan, may nakita pa raw siyang limang bata na may mga laslas sa katawan at ang isa ay walang ulo.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabi ni "Anna," hindi niya tunay na pangalan, na naglalakad siya sa San Francisco Bridge sa Southwoods sa Biñan noong Enero 19 dakong 1 p.m. nang mangyari ang insidente.

Mayroon daw itim na van na sumusunod sa kaniya, at nagulat na lang siya nang bigla itong huminto sa tabi niya. May bumaba umanong lalaki na may dalang kutsilyo, at pilit siyang hinatak papasok ng sasakyan.

Sa loob ng sasakyan, nakita raw niya ang iba pang mga bata na may mga sugat.

"Lima po sila. Ang apat pong babae 'yung isa po pugot ang ulo. Tapos 'yung tatlo po may mga laslas po sila kahit saang bahagi ng katawan. Tapos may isa pong batang lalaki, bata pa po 'yon nandoon siya sa dulong dulo," sabi ng dalagita.

Ayon kay Anna, nakakuha siya ng tiyempo na mabuksan ang pinto at makatalon sa sasakyan. Nagpagulong-gulong siya sa matarik na gilid ng highway hanggang sa nawalan ng malay.

Nagtamo ng pinsala sa balakang at paa ang biktima.

Bago ang nangyari kay Anna, may iba pang insidente ng tangkang pagdukot sa mga estudyante ang naitala sa Barangay San Francisco sa Biñan, Laguna.

Noong Enero 18, nilapitan din umano at puwersahang isinasama ng mga salarin ang 10-anyos na si alyas "Jane," sa harap mismo ng San Francisco Elementary School.

"Nakita ko na po 'yung lalaking patingin-tingin po sa akin tapos noong malapit na po ako sa lalaki, bigla po hinawakan ako sa braso, sabi niya daw po iuuwi daw po kami sa bahay namin," kuwento ng bata.

Papasok naman na sana sa eskwelahan ang 15-anyos na si alyas "Ella" noong Enero 15, nang bigla siyang harangin ng isang lalaki at tinangka siyang dukutin.

Inilarawan ng biktima ang lalaki na malaki ang pangangatawan at mabalbon ang kamay.

Sa kabutihang palad, may nakakita noong mga oras na iyon sa tangkang pagdukot kaya hindi ito natuloy.

Dahil dito, hindi maiwasan na mangamba ang mga magulang.

"Parang natutuliro po ako, hindi ko po malaman kung paano na kung makuha 'yung anak ko," sabi ng ama ni Jane.

"Nu'ng nakita ko na okay na, may pilay paa niya saka punit punit po damit niya. Sa likod punit punit po. Dinala sa barangay ng mga teacher," sabi ng lola ni Anna.

Pinayuhan ng paaralan ang mga estudyante na iwasang dumaan sa mga eskinita lalo na sa mga lugar na walang makakakita sa kanila. Makabubuti rin umano kung ihahatid at susunduan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Hinala ng mga opisyal ng barangay, malaking sindikato ang nasa likod ng mga pandurukot.

"Tatlong beses sa buwan ng January 2018. Ang nagiging expectation po namin ay siguro baka ibebenta yung mga laman-loob," sabi ni Manong Catalon, Barangay Chairman ng Barangay San Francisco.

Naglagay na ang barangay ng CCTV sa mga eskinita para mabantayan ang bawat sulok, at humingi na rin sila ng tulong sa Biñan Police na nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon.

"Humihingi kami ng tulong sa mga mamamayan ng Biñan, sana ay patuloy nilang suportahan ang PNP at kung meron mang insidente na nagyayaring ganu'n ay makipatulungan po sila sa amin," sabi ni SPO2 Liza Lorena. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News