Arestado ang isang tsuper ng jeepney matapos siyang ireklamo ng kalaswaan ng menor de edad niyang pasahero sa Maynila. Ayon sa biktima na kinunan ng video ang insidente, inilabas ng driver ang maselang bahagi ng katawan habang nagmamaneho.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng biktima na sinimulan niyang palihim na kunan ng video ang drayber nang maramdaman niyang binabastos na siya nito.

"Binilangan niya po kami ng pera, 'tapos sa side mirror, may salamin po du'n sa jeep, tiningnan niya po kami sa may salamin ng jeep. Tumatango po siya sa amin, parang inaaya niya po kami na sumama sa kaniya. Sumesenyas po siya," kuwento ng biktima na katabi ng tsuper sa jeep nang mangyari ang insidente.

Pero lalo pa umanong naging mapangahas ang driver at inilabas umano ang maselang bahagi ng katawan.

"Inilabas niya po 'yung ari niya," sabi ng biktima.

Dahil sa takot, tumalon umano ang biktima nang makita ang isang barangay hall sa Juan Luna sa Tondo para magsumbong.

Sinabi ng chairwoman ng barangay 163 na si Baby Gutierrez, kaagad niyang inutusan ang mga tanod na abangan ang pagbabalik ng drayber na patungo noon sa Divisoria.

Matapos ang paghihintay, bumalik ang suspek at kaagad na naaresto. Kinilala siya na si Rodel Seloso Cervales, 36-anyos, residente ng Maypajo, Caloocan.

Humingi umano ng tawad ang suspek sa mga magulang ng biktima pero desidido sila na kasuhan si Cervales.

Sinampahan na ng kasong acts of lasciviousness si Cervales sa Prosecutor's Office ng Maynila.

Sinabi naman ni Cervales na sa korte na lang daw siya magpapaliwanag.-- FRJ, GMA News