Dalawang pulis sa Davao City ang isinailalim sa restrictive custody matapos na makunan na pinalakad nang nakaluhod at hinataw ng yantok sa talampakan ang tatlong menor de edad na hinuli dahil sa paglabag sa curfew.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nangyari ang insidente sa barangay hall ng Barangay19-b sa Davao City nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang dalawang pulis na sina Police Officer 1 Jesre Masinading at PO1 Jeovani Natividad, at ang tatlong tatlong umano'y menor de edad na kabilang sa limang dinampot ng mga tanod.

Ayon kay Jose Villanueva, administrador ng barangay hall, isa sa mga dinampot ay hindi na menor de edad kaya pinauwi na, habang sinundo naman ng ina ang isa pa.

Ang tatlong naiwan, makikita sa footage na isa-isang pinalo ng pulis ng yantok sa talampakan.

Ang isa sa mga pinalo, tila napaupo pa, habang paika-ika naman ang isa.

Pinalakad din sila nang nakaluhod at pinag-exercise habang nakahawak sa tenga.

Idinadaing ng isa sa mga menor de edad ang pananakit ng paa kaya balak daw niyang magreklamo.

Ayon naman sa pulis, kapakanan din ng mga binatilyo ang isinaalang-alang nila.

Hindi raw nila intensyon na manakit at nais lang nilang dinisiplinahin ang mga binatilyo.

Inayunan naman ng barangay chairman na si Nicholas Loreto ang ginawang pagbibigay ng "leksyon" ng mga pulis sa mga binatilyo.

Sa kabila nito, isinailalim sa restrictive custody ang dalawang pulis at inalisan ng armas habang isinasagawa ng imbestigasyon.

"Nadisarmahan na sila dahil sila'y nahaharap sa kaso. But then again, buong samahan po ng Davao City Police Office ay nakikiisa sa kanila dahil ang kanilang adhikain din is magpatupad ng batas. 'Yun lang, naging overeager," sabi ni P/Sr. Supt. Alexander Tagum, Davao City Police Office Director.

Nais naman daw ni Mayor Sara Duterte na paimbestigahan din ang nangyari. -- FRJ, GMA News