Patay na ang isang lalaki nang matagpuan sa center island sa Baclaran, Parañaque City matapos umano'y ihulog mula sa isang pampasaherong bus nitong Linggo ng madaling araw.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali, isang parking boy na naghihintay ng masasakyang bus ang nakapansin sa insidente.

Ayon sa nakapanayam ng GMA News na taxi driver at empleyado ng bar, ang hinala ng kanilang kakilalang parking boy ay sadyang inihulog ang lalaki.

"Iyong isang kakilala namin pasakay ng bus may sinabi na iyong bus mayroong hinulog. Aterm na ginamit hinulog, hindi nahulog," ayon sa taxi driver.

Naganap ang insidente bandang alas-dos ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, may sugat sa ulo ang biktima at inaalam na kung ito ang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nakuha mula sa biktima ang isang wallet na may laman na pera at driver's license na may pangalang Ramil Antonio Legaspi.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente. —ALG, GMA News