Ayon sa isang Feng Shui consultant, ang mga "Dragon" ang isa sa mga "most challenged" na animal signs ngayong 2018 na Year of the Earth Dog.

Batay sa Chinese zodiac, isang taon na magbibigay ng "good news" sa lahat ng animal signs ang 2018 o Year of the Earth Dog. Pero kailangan pa ding pangalagaan ng halos lahat ng animal sign ang kanilang kalusugan.

Sa programang "Good News," sinabi ni Jean Yu-Chua, Feng Shui consultant, na dahil suportado ng mga "lucky stars" ngayong 2018 ang mga ipinanganak sa Year of the Dog, suwerte sila sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.

Pagdating sa kalusugan, kailangan nilang ingatan ang kanilang stomach at blood circulation, at huwag masyadong ma-stress at magalit.

Pinakamasuwerte sa taon na ito ang mga ipinanganak sa Year of the Snake, kaya ito ang kanilang pagkakataon para sa pag-ibig at maaaring magsimula ng negosyo.

Suwerte rin ang Year of the Monkey pagdating sa negosyo; samantalang ang mga Year of the Horse ay pinakasuwerte raw sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.

Ayon kay Yu-Chua, ang Dragon ay isa sa mga "most challenged" na animal signs sa 2018 dahil nasa kanila ang "Negative Star." Kailangan nilang umiwas sa alitan, emotional stress, at pagpapalit ng trabaho.

Nasa Year of the Rabbit naman ang "Violence Star" kaya makakaranas sila ng mga pagsubok sa relasyong pag-ibig. Mahina rin ang kanilang immune system at stamina sa taon na ito kaya kailangan nila ng pahinga.

May "Danger Star" naman ang nasa Year of the Rooster pagdating sa negosyo, at may "Robbery Star" ang Year of the Pig pagdating sa relasyon, at kailangan din nilang pangalagaan ang kanilang kidney.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News