Inaresto ng mga pulis ang dating alkalde sa bayan ng Paoay sa lalawigan ng Ilocos Norte, sa raid na ikinasa kaugnay sa kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang dating alkalde na si Dolores Clemente, at hinuli dahil sa natagpuang mga baril sa kaniyang tahanan.

Nasamsam ng mga operatiba mula sa bahay ni Clemente ang dalawang rifles, dalawang shotguns, at dalawang pistola, kabilang na rin ang mga bala.

Dagdag pa ng mga pulis, may impormasyon silang nakuha na may mga gun-for-hire sa bahay ng dating alkalde kaya ikinasa ang operasyon.

Pahayag ni Clemente, may dokumento ang ilang mga baril pero ang iba ay nakapangalan pa sa kaniyang yumaong asawa. —LBG, GMA news