Bugbog-sarado ang isang Grab driver matapos niyang isauli ang naiwang cellphone ng kaniyang lalaking pasahero.

Ayon sa biktimang si Armando Yabut, 30, sa halip na pasalamatan sa pagsasauli ng iPhone, ay pinagbintangang magnanakaw at binugbog daw siya ng kanyang pasahero.

"Pagdating ko po doon sa bahay nila, ang bungad po sa akin 'Kaninong cellphone 'yan?' Sabi ko, 'Sa inyo po, Sir.  Ako po 'yung driver.'  Sabi niya sakin, 'Pinaginteresan mo 'yung cellphone ko, magnanakaw ka!' Tapos 'yun inumpisahan na po niya kong bugbugin," kwento ni Yabut sa GMA News Online.

"Sinuntok po niya ko sa mukha ng malakas tapos napaupo po ako... sinakal po niya ko tapos pinatumba po niya ko tapos 'yung mukha ko talagang dinidikdik po niya sa semento," dagdag pa ni Yabut.

Kwento ng Grab driver, inihatid niya si Simon sa Kamuning, Quezon City madaling araw noong nakaraang Biyernes. Habang nasa biyahe daw sila ay naki-charge ito sa kanya.

"Along the way po naki-charge po 'yung passenger. Nung naki-charge po ang inabot lang po niya sakin 'yung connector. So sinaksak ko lang po 'yung connector, 'yung cellphone po niya nasa likod po," sabi ng biktima.

Noong nasa kanyang bahay na siya sa Taytay, Rizal, napansin niyang naiwan nga ng pasahero ang iPhone nito kaya't agad niyang inireport sa pamahalaan ng Grab.

"Tumawag po ko sa Grab, ine-report ko po sa Grab sabi ko po 'Ma'am may naiwan po kasi na iPhone... Kung okay lang pakihanap 'yung details ng passenger para malaman niya na nakuha ko at legal na ano po, isasauli ko po,'" sabi ni Yabut.

Nagkausap pa raw sila ni Simon sa telepono at naging maayos naman daw ang kanilang pag-uusap kaya't nagulat na lamang siya sa ginawa nito.

"Nung tumawag po 'yung passenger sabi po niya, ang bait po eh, 'Kuya okay lang po ba pakisauli 'yung cellphone ngayon na po. Emergency po, okay lang po ba bayaran ko na 'yung pang-gas mo? Nag-offer po ng pera, bibigyan daw po ko pang-kain," kwento ni Yabut.

Nagtamo si Yabut ng sugat sa mata at nagdugo rin ang kaniyang tainga.

Ayon kay Yabut, inalok din diumano ng pasahero ang ilang mga tao sa lugar nila na bugbugin siya.

"Noong binubugbog po niya ko, hinila niya po ko doon sa tatlong tao na nandoon, mga nagbabasura po at pinagsisigawan po niya sa mga nandon na magnanakaw daw po ako na pagtulungan ako pero 'di po tumulong sila," sabi ng biktima.

Dalawang pulis ang rumesponde sa insidente at inimbatahan ang dalawa na pumunta sa police station, subalit tumanggi ang pasahero na plano palang aregluhin na lamang ang driver.

Hindi pumayag si Yabut kaya't lalong nagalit ang pasahero at nagpunta na lamang sila sa barangay.

Sa harap ng mga opisyal ng barangay, binaliktad diumano ng pasahero si Yabut at iginiit na ninakaw nito ang kanyang iPhone.

Sabi din ng pasahero, hindi raw sinagot ni Yabut ang mga tawag niya sa naiwang cellphone, patunay daw na tangka niya talaga itong nakawin.

Matapos ang pag-uusap, sapilitan umanong pinaamin si Yabut sa kasalanang hindi naman daw niya ginawa.

"Pagdating sa barangay, pilit po nila akong ano... pinapaamin. Ang gusto mangyari po ng passenger humingi lang daw po ako ng pasensya at makakauwi na ko at mangako lang daw ako na 'di ko daw siya babalikan kinaumagahan dahil sa ginawa niyang pambubugbog," saad ni Yabut.

"'Yung babae po doon sa loob ng barangay, kinausap po niya ko, sabi niya 'Umamin ka na kasi... wala naman mawawala sa iyo kung aamin ka, wala naman mawawala sa pagkalalaki mo,'" kwento pa niya.

Nagpa-medical na ang biktima at sumailalim na rin sa CT scan. Negatibo naman daw ang mga resulta nito.

"Pasalamat ko po bugbog lang po, 'yung mata ko lang po ang problema kasi may pumutok na ugat," sabi ni Yabut.

Naireport na rin ni Yabut ang insidente sa pamahalaan ng Grab at nakapagsumite na ng mga dokumento. —LBG, GMA News