Nagdeklara na ng total ban sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait si Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Lunes.

Inanunsyo ni Bello ang kautusan sa ginanap na pulong balitaan sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Maynila. Dumalo rito ang pamilya ni Joanna Demafelis, ang nasawing OFW na nakita sa freezer sa isang apartment sa Kuwait.

READ: Bangkay ng babae sa freezer sa Kuwait, kumpirmadong Pinay

"In pursuit of national interest, and with the advent of the series of reports involving abuse and death of Overseas Filipino Workers in Kuwait, a total ban on deployment of all overseas Filipino workers to Kuwait pursuant to the directive of the President of the Philippines is hereby enforced," saad sa kautusan ni Bello.

 

 

Bago ang total ban, unang ipinagbawal ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga first time OFW sa Kuwait dahil na rin sa mga ulat ng pang-aabuso at pagmamaltrado sa mga OFW doon, na ang iba ay nasasawi pa.

Ang naturang ban ay tugon umano sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan lang, hinikayat ni Duterte ang mga OFW sa Kuwait na nais nang umuwi na tutulungan sila ng pamahalaan na makabalik ng bansa.

Pinag-aaral pa ng DOLE kung papayagang makabalik ng Kuwait ang mga OFW na nagbabakasyon ngayon sa bansa.

Nitong Lunes ng umaga, may panibagong grupo ng mga OFW na galing sa Kuwait ang dumating. -- FRJ, GMA News