Isang abogadong sakay ng SUV ang nakaligtas sa pag-ambush ng mga salaring nakamotorsiklo sa EDSA, Quezon City dakong 12:30 am nitong Martes. Ang biktima, hinabol ang mga salarin at sinagasaan. Ang isa sa kanila, nakitaan ng ID ng pulis.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang nakaligtas na abogado na si Argel Joseph Cabatbat.

Patay naman ang isa sa mga suspek na nakilala sa ID nito na si Police Officer 1 Mark Ayeras. Isa pang suspek ang nasugatan at dinala sa ospital.

Ayon kay Cabatbat, tinambangan siya ng mga salarin (isang nakamotor at isang magkangkas) sa kanto ng East Avenue at umabot ang kanilang habulan sa EDSA north bound sa Barangay Bagong Pag-asa.

Nakita ang isang suspek na nakahandusay sa ibabaw ng Quezon Avenue flyover, habang ang isa pang suspek ay nasa ibabang bahagi ng flyover, pati na ang tumagilid na SUV ni Cabatbat na may mga tama ng bala.

"Inambush ako, tapos minalas sila," sabi ni Cabatbat.

"Pagkasagasa ko dun [sa isang suspek], nagganun na kami. Hanggang sa tumumba na 'ko," kuwento pa niya.

Dead on arrival sa ospital si Ayeras habang sugatan naman at nagpapagaling na ang isa pang suspek na 'di pa tukoy ang pangalan.

Nakita sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang baril at mga motorsiklo na ginamit ng mga suspek.

Ayon kay Chief Superintendent Guillermo Eleazar, QCPD, sinabi ni Cabatbat na may natatanggap siyang banta sa buhay dahil sa mga kasong hawak niya.

"Tinitingnan natin kung talagang pulis ba 'yan, kung meron bang pulis na Ayeras. At the same time kung pulis man siya, siya ba talaga ang may hawak ng ID na 'yon," sabi ni Eleazar.

Patuloy naman pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na isa pang suspek.-- FRJ, GMA News