Nakunan sa CCTV camera ang pinaniniwalaang modus na "bangga" matapos na tila sadyang ibinangga ng isang lalaki ang kaniyang sarili sa gilid ng isang SUV sa Imus, Cavite.

Ayon sa  YouScooper na si Hitori Tanaka, ibinalita ng kaniyang biyenan na may naaksidente sa tapat ng kanilang opisina sa Barangay Bucandala sa Imus kaya sinuri nila ang kanilang CCTV kung nakunan ang pangyayari.

Nang panoorin ang video, doon na nila napansin na tila sinadyang ibinangga ng lalaki ang kaniyang sarili sa sasakyan na hindi naman mabilis ang takbo nang mangyari ang insidente.

Sa CCTV, makikitang bumaba ang sakay na babae sa SUV at inalalayan pa ang lalaki na inakala niyang nabangga nila para tulungang makaupo sa gilid ng bangketa.

Panay naman ang hawak ng lalaki sa kaniyang binti na tila nasaktan.

Kinausap ng babae ang lalaki at maya-maya lang ay may iniabot na siya rito bago umalis.

Ang lalaki, nagpalingon-lingon muna bago dahan-dahan na tumayo na kunwaring paika-ika bago nawala sa kuha ng camera.

Ayon sa Tanaka, hindi nila kilala sa lugar ang lalaki. -- FRJ, GMA News