Ang maipagawa ang bahay na sinira ng bagyong Yolanda at mabigyan ng magandang buhay ang mahal na ina ang ilan sa mga dahilan kaya nagtungo sa Kuwait at maging kasambahay si Joanna Demafelis— ang babae na nakitang patay sa loob ng freezer.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing 26-anyos noon si Demafelis nang bumiyahe siya patungong Kuwait noong 2014.

Bitbit niya ang pangarap para sa pamilya, lalo na sa kaniyang mahal na ina.

Sa pagpupursige, unti-unti naipaayos ang kanilang bahay na sinalanta ng bagyo.

"Hindi ko matanggap na ang pangarap ng aking anak na maayos itong bahay at saka, ano, masakit talaga. Hindi ko matanggap na ganyan nangyari sa aking anak," hinanakit ng ina ni Joanna na si aling Eva Demafelis.

Nalaman umano ni Eva ang sinapit ng anak nang magtungo doon ang kinatawan ng Overseas Worker's Welfare Administration.

"Ang hitsura ng anak ko, payat na daw at saka maiksi 'yung buhok niya. Minamaltrato d'un siya ng amo niya, sana maparusahan," hiling niya.

Ayon sa pamilya, kada ikatlong buwan lang nila nakakausap si Joanna mula nang magtungo ito sa Kuwait dahil tinatago raw ng amo ang cellphone nito.

Huli raw nakausap ng pamilya si Joanna noong September 2016.

Taong 2016 din umano nang huling nakita si Joanna ng kapwa-OFW  na namamasukan sa katabing-unit ng amo ng biktima.

Ayon sa OFW, halos araw-araw daw kung saktan ng amo si Joanna kaya binalak nila itong tulungan sana na makaalis.

"Yung September na 'yon, nag-usap-usap na kami ng kaibigan ko sa harap nila na tutulungan na namin siyang patakbuhin. Sabi ko tulungan kita, ayaw niya kasi takot siya," sabi ng OFW nang makausap sa telepono.

Nang hindi na nakakausap si Joanna, nakipag-ugnayan umano ang mga kaanak niya sa OWWA at Philippine Overseas Employment Administration pero pinagpasa-pasahan daw sila.

Kinumpirma naman ng mga opisyal ng OWWA at POEA na may record na nagtungo sa kanilang tanggapan ang mga kaanak ni Joanna noong Enero at Pebrero 2017.

Inatasan naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na magkaroon ng imbestigasyon sa naging aksyon ng mga kinauukulang tanggapn sa naturang pagdulog ng pamilya ni Joanna.

"Walang nangyari that's the reason why I cause for the investigation of these well officers and even the Labor attache at that time," ayon sa kalihim.

Sa ngayon, hindi pa alam kung kailan maiuuwi ang mga labi ni Joanna sa Pilipinas, at hindi pa ganap na mai-autopsy ang kaniyang katawan dahil yelong-yelo o frozen pa rin. -- FRJ, GMA News.