Ilang tauhan ng isang towing service ang naaresto matapos nilang kotongan umano ang isang motorista para hindi nila i-impound ang kaniyang sasakyan sa Quezon City.  Arestado rin ang ibang empleyado ng mga towing service nang mabisto ang kanilang "putol-hose" modus.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing naaresto ang mga tauhan ng towing service sa Commonwealth Avenue nitong Sabado matapos magsumbong ang empleyado ng isang supermarket.

Ayon sa emplayado, P4,500 ang sinisingil ng mga tauhan ng towing service para hindi na i-impound ang kaniyang sasakyan na naglalaman ng mga tikoy.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng entrapment operation.

Aminado ang naarestong driver ng towing service sa kanilang pangongotong. Ang tatlo pa niyang kasamahan, tila nabigla sa ginawang entrapment operation sa kanila.

Tumangging magsalita ang tatlo kahit sa istasyon ng pulisya, ngunit legal daw ang ginawang paghatak nila sa multicab dahil naka-park ito sa hindi tamang lugar.

"Nagtanong lang po siya kung magkano ang presyo, P4,500 po sa tingin lang po namin. Tapos noong dadalhin na namin ng Pasig nagmakaawa po siya na ibaba ang mga tikoy kasi nga raw mapapanis," sabi ni Marian Serencho, suspek.

Sakabila ng kanilang paliwanag itinuloy ang pagsasampa ng kaso sa apat na suspek.

Sa La Loma naman, siyam na tauhan ng dalawang towing company ang arestado dahil sa kanilang "putol-hose" o "ipit-hose" modus umano para tumirik ang sasakyan at kanilang masingil ng pera.

Ayon sa driver na si Reteval Beluya, may nakita siyang isang lalaking nasa gilid ng minamanehong truck habang dumadaan siya sa A. Bonifacio.

Huminto daw ang kaniyang sasakyan dahil wala na nang dumadaloy na krudo.

Hinala niya, gawa ito ng "putol-hose" o "ipit-hose" modus.

"Nakakulay itim po sila. Kaya nang masilip ko po sa side mirror naaninag ko kasi meron na ho sa likod na ilaw eh, bigla ho siyang tumakbo," ayon kay Reteval.

Ngunit ang ikinagulat ni Beluya, may nakaabang na agad na towing truck sa kaniyang likuran, at sinisingil sila ng P10,500 para hindi madala sa Marikina ang truck.

Ganito rin ang sinapit ni Bernabe Atillano na siningil naman ng P9,000 ng isa pang towing truck.

"Ito po 'yung hinugot, itong hose. At may ano pa. Tapos ibinalik po nila," sabi ni Atillano.

Inireklamo ito ni Atillano sa may-ari kaya nagsumbong sa pulis.

Sa isinagawang entrapment operation, tinanggap ng mga suspek ang P5,500 marked money.

Todo-tanggi ang isa sa mga suspek sa kanilang modus.

"Hindi ho sir," sabi ni Cerilo Imperial, isa sa mga suspek.

Hinihikayat ng MMDA ang may-ari ng trucks na ituloy ang kaso laban sa mga suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News