Patay ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo na nanutok ng baril at nang-agaw ng bag sa isang babae nang matiyempuhan sila ng mga pulis na nakamotorsiklo rin sa Maynila.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage ang pagtigil ng mga suspek sa Escolta, Maynila para tutukan ng baril at kunin ang bag ng babae.

Kaagad na tumakas ang mga salarin pero hindi nila alam na may mga tauhan ng Manila Police District na nakamotorsiklo sa naturang lugar at kaagad silang hinabol.

Ayon kay Police Superintendent Amante Daro, MPD-Station 11,  nakipagpalitan ng putok ang mga hindi pa nakikilalang suspek hanggang sa mapatay sa bahagi ng McArthur Bridge.

Nabawi sa kanila ang dalawang kalibre .38 baril at ang bag na kinuha nila sa babae.

Sinabi ni Daro, na inaalam din nila kung ang dalawang napatay ang nasa likod ng pang-aagaw din ng bag sa isang negosyante sa Sta. Cruz, Maynila nang araw na mangyari ang engkuwentro.

"Hindi pa nake-claim yung katawan ng mga suspek kaya 'di pa natin sila completely ma-identify. Although may mga reports kasi na ito rin yung nanghoholdap at nang-ii-snatch 'di lamang dito sa Binondo pati na rin sa Ermita Malate area," ayon sa pulis. --FRJ, GMA News