Lumabas na ang resulta ng awtopsiya sa mga labi ni Joanna Demafelis, ang OFW na pinatay at isinilid sa freezer sa Kuwait. Lumitaw sa pagsusuri na may bali ang kaniyang tadyang at nagkaroon ng internal bleeding.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Renato Pedro Villa, Philippine Ambassador sa Kuwait, na base sa awtopsiya na ginawa ng forensic doctor sa Kuwait, labis na pambubugbog ang dahilan ng pagkamatay ni Demafelis.

Nagtamo rin umano ang biktima ng bali sa tadyang, iba't ibang sugat at trauma sa balakang, at kidney, at may pagdurugo rin sa loob ng katawan o internal bleeding.

Sinabi pa ng opisyal na inaalam ngayon ng mga awtoridad kung patay na ba si Demafelis nang ilagay sa freezer.

"Kasi ang nangyari pala, ang employer 'di ba umalis sila sumibat sila ng Kuwait, at bago sila umalis gusto nilang pagtakpan yung kanilang ginawa, ni-report pa nila si Joanna na nag-abscond o tumakas sa bahay nila noong November 6, 2016.So pinapalabas nila na tumakas kaya  wala sa kanila," ayon kay Villa.

Hinahanap na umano ng mga awtoridad ng Kuwait ang mag-asawang Syrian at Lebanese na naging amo ni Demafelis pero impormasyong wala na ang dalawa sa naturang bansa.

Inalerto na rin umano ng Kuwaiti Minister of Interior ang Interpol para sa paghahanap sa mag-asawa.

Nakakandado umano ang apartment kung saan nakita ang mga labi ni Demafelis at naka-on din ang freezer nang madiskubre ng mga awtoridad ang bangkay.

Inaasahan na maibabalik sa bansa ang mga labi ni Demafelis sa Biyerne ng gabi, February 16.-- FRJ, GMA News