Patay sa ambush sa Cebu City nitong Lunes ang vice mayor ng bayan ng Ronda na si Jonah John Ungab, na nagsilbi ring abogado ng suspected drug lord na si Kerwin Espinosa.

Sa ulat ng Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang insidente sa labas ng isang hotel sa North Reclamation Area dakong 11:50 a.m.

Kagagaling lang umano ni Ungab sa Cebu City Hall of Justice sa Qimonda IT Center para dumalo sa pagdinig ng kaso ni Espinosa na illegal possession of firearms.

Paglabas ng gusali, pinagbabaril na ang biktima.

Kahit may tama, nagawa pa ni Ungab na makasakay sa kaniyang kotse at nakalayo ng ilang metro.

Nagtamo siya ng dalawang tama ng bala sa ulo at isinugod sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Cebu City Police Office Police Senior Inspector Jonathan Taneo, sinusuri pa nila ang mga CCTV para malaman kung makikita ang plaka ng motorsiklo na ginamit ng mga salarin.

"Isa lang po siya na bumaril tapos sumakay na po siya ng motor...naka-abang po," ayon kay Taneo sa GMA News Online. — FRJ, GMA News