Idinaan ni Davao City Mayor Sara Duterte sa social media nitong Huwebes ang mga batikos niya laban kay Speaker Pantaleon Alvarez na tinawag niyang "makapal ang mukha."

Ang mga batikos ay bunga umano ng mga pahayag ni Alvarez na bahagi ng oposisyon si Sara, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, at kaya raw ipa-impeach ng lider ng Kamara de Representantes ang pangulo.

"Ano sabi mo in a crowd, 'President iba siya, Speaker ako, I can always impeach him!” And you call me opposition? Somebody should really tell the President about the truth," sabi ni Sara sa kaniyang post sa kaniyang verified Facebook account.

Sa isa pang post, sinabi ng alkalde na, "Kung asshole ka sa Congress, don’t bring that to Davao, leave it in Manila. Somebody should tell the President what you are doing. How dare you call me part of the opposition. Kapal ng mukha mo. You messed with the wrong girl."

Nagbanta rin si Sara na may isisiwalat siya sa Biyernes.

Hindi malinaw kung saan at kailan ginawa ni Alvarez ang mga umano'y naging pahayag niya na ikinagalit ng alkalde.

HINDI KO SINABI— Alvarez

Nang hingan ng komento, itinanggi ni Alvarez na nagbitiw siya ng mga naturang pahayag na sinasabi ni Sara.

"I never said those things and i will never say those things," sabi ni Alvarez sa GMA News Online sa text message.

"I supported the President and will always support him," dagdag niya.

Bago ang naturang mga batikos ng nakababatang Duterte, nagtayo ang alkalde ng regional party na Hugpong ng Pagbabago na hiwalay sa PDP-Laban.

Ayon kay Alvarez, isa sa mga pinuno ng PDP-Laban, "non-issue" ang ginawang pagbuo ni Sara ng regional party.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sara na batid ng kaniyang ama ang binuo niyang partido na kinabibilangan na ngayon ng apat na gobernador mula sa Davao region.

"??Even the use of the word Hugpong as the name of our regional party Hugpong ng Pagbabago has the President’s approval.?? I also specifically informed the President that I will not join PDP Laban," sabi ni Sara.

"The Speaker’s latest media statement that he respects the creation of Hugpong ng Pagbabago or that the unity is a non-issue, was unfortunately betrayed by his comment on political dynasties," ayon pa sa alkalde patungkol sa pananaw umano ni Alvarez na ang bagong partido ay indikasyon ng paghahari ng political families sa bansa.

Hinikayat ni Sara si Alvarez na magpasa ng batas na magpapatupad sa probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal ng political dynasty sa bansa. — FRJ, GMA News