Isinugod sa simbahan ang 15 mag-aaral sa Palawan nitong Huwebes matapos umanong sapian ng masamang espiritu habang nagkaklase.

Sa ulat ni Junfred Calamba sa "Dobol B sa News TV" nitong Biyernes, sinabi umano ng school principal na si Vicente Tamanyo, na dalawang mag-aaral muna ang nagwala matapos umanong may makitang kaluluwa ng duguang babae.

Kasunod nito ay nadagdagan na ang mga estudyante na may kakaibang ikinikilos, kasama ang anak ng principal kaya dinala na sila sa simbahan.

Ayon sa mga nakasaksi, malakas ang mga bata nang nagwawala at hindi maintindihan ang sinasabi.

Nang mahimasmasan, sinabi ng mga bata na may espiritu na nais lumapit sa kanila.

Pinayagan din na mauwi ang mga bata kinalaunan kasama ang kani-kanilang magulang.

Kinansela na rin ang klase sa paaralan. — FRJ, GMA News