Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na handang sumabak sa digmaan ang bansa kung sakaling may mga dayuhan na magtatangkang gumawa ng mga pagsasaliksik sa Philippine Rise (Benham Rise) nang walang pahintulot ng pamahalaan.

Sa isang talumpati sa Davao City nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na nagpadala na siya ng isang batalyon mula sa Marines para bantayan ang Philippine Rise.

“Wala man tayong armas, but do not mess up with us because we will not allow it,” saad ng Pangulo.

Pero pagdating sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, tila naging iba ang timpla ng Pangulo.

Nilinaw ni Duterte na biro lamang ang kanyang pangako noong 2016 presidential election na sasakay siya ng jet ski at pupunta sa Spratlys at itatanim doon ang watawat ng Pilipinas kahit naroon ang mga sasakyang pandigma ng China.

“Iyong sabi ko mag-jet ski ako doon sa China, ay kalokohan ‘yon. Wala gani akong heaven road. Istorya lang man ‘yon. Maniwala pala kayo,” ani Duterte.

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na matibay ang paninindigan ng Pangulo na Pilipinas ang may sovereign rights sa ilan sa mga isla at features sa West Philippine Sea.

“Ang joke po doon ay yung literal na magjejetski sya at pupunta siya doon sa mga sundalo, pero ang paninindigan yan po ay katotohanan,” saad ni Roque. —JST, GMA News