Sa kabila ng nangyaring pisikalan nila at demandahan, inihayag ni Michael Robin Morales na mahal pa rin nila ang kaniyang bayaw na si Baron Geisler.  At ayon kay Michael, handa niyang iurong ang kaniyang demanda kung papayag ang aktor na magpa-rehab.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video na kuha sa cellphone nang sumugod si Baron sa bahay ni Morales sa Barangay Pulung Maragul sa Angeles City, Pampanga nitong Lunes.

Maririnig sa video ang pagkalabog ng gate sa bahay at ang pagmumura ng aktor.

Maririnig din ang boses ng kapatid ni Baron na si Grace Gail Geisler Morales, asawa ni Michael Frederick Von Geisler, na hinihikayat ang aktor na magparehab.

“Baron, accept the help. Minumura mo na si Mommy. Magparehab ka na. You’re not thinking straight," aniya Grace.

Kaagad na nagtungo sa bahay ng mga Morales ang mga pulis nang tumawag si Michael matapos na nagbabanta umano si Baron na papatayin ang kaniyang bayaw at armado ito ng patalim.

“He was shouting at the top of his lungs d'yan sa labas, he was calling my name — Michael Morales, lumabas ka rito, papatayin kita. Nung una, wala pa siyang hawak na kutsilyo. Mamaya, may hawak na siyang kutsilyo," sabi ni Michael na ipinakita ang pinsala ng gate.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ni Baron ang pagwawala pero sinabi nito na hinamon lang siya ng pamilya.

“Lagi ako pino-provoke. Sabi ko tama na. Umabot na 'ko sa boiling point," anang aktor.

Ayon kay Senior Police Officer 3 Celso Nicdao, sinampahan si Baron ng mga kasong Grave Threats, Alarm and Scandal at paglabag sa B.P. 6 (Illegal Possession of Deadly Weapons).

Bago nito, nauna nang nagpang-abot at nagsuntukan ang magbayaw na naging dahilan para magkapasa at sugat sa mukha ang aktor.

Ayon kay Michael, napuno lang siya at pinatulan ang aktor nang bastusin umano ng kaniyang bayaw ang anak niyang babae.

“Yung ginawa niya sa daughter ko, hindi naman sexual harassment pero sexual verbal assault coming from him, that I couldn’t take," sabi niya.

Gayunman, humingi siya ng paumanhin kay Baron sa nangyari at iginiit na mahal pa rin nila ng kanilang pamilya ang aktor.

Handa rin daw siyang iurong demanda sa kondisyon na magpapa-rehab ang aktor.

“I’m sorry Baron, mahal ka namin but we want help for you. Iuurong ko yung kaso pero ang condition is magpa-rehab ka na," hiling ni Michael.

Samantala, naniniwala si Baron na nagalit ang kaniyang mga kaanak nang dahil sa nabanggit niya tungkol sa mana, bagay na itinanggi ni Michael.

“Nilabas ko sa social media yung tungkol sa mana. They came rushing to my house, buksan mo pinto, p— ina ka,” sabi ni Baron.

Habang nakadetine, nakiusap ang aktor sa kaniyang mga kaibigan at kaanak na bisitahin siya.

“Come visit me here. I need your support. I’m afraid, I feel alone. I am really doing my best to become a better human being,” sabi ni Baron. — FRJ, GMA News