Bago umuwi ng kaniyang bansa, dumaan muna sa Pilipinas ang isang Australian national para ikuwento ang ilang insidente ng pagmamalupit na dinanas umano ng ilang OFW sa Kuwait. Kabilang dito ang peligrosong paglilinis ng isang Pinay sa bintana ng bahay ng amo na nasa ikalawang palapag.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ng Australian na si George Raphael ang video na ibinigay sa kaniya ng isang Pinay na humingi sa kaniya ng tulong sa Kuwait.

Ang Pinay, makikita na naglilinis ng bintana sa ikalawang palapag ng bahay ng kaniyang amo kahit na walang safety gear.

Isa lang daw ito sa mga nasaksihan ni Raphael na mga pang-aabuso na ginagawa ng ilang amo sa Kuwait sa mga Pinay sa loob anim na taong pagtatrabaho niya sa nabanggit na bansa.

Ayon sa ulat, ilang OFW daw na minaltrato, inabuso at itinuring na parang hayop ng mga amo ang natulungan ni Raphael na makapunta sa embassy at makaalis, at mayroon din siyang naipasok sa restaurant na kaniyang pinagtatrabahuhan.

Mayroon umanong OFW na muntik magsamantalahan ng apat na lalaking nakatira sa bahay ng employer. At may nasaksihan din siyang Kuwaiti na sinubukang ibenta na parang hayop ang kasambahay na OFW sa ibang employer para magkapera.

Ang mga ganitong uri ng mga pang-aabuso sa mga OFW ang inaasahan ng pamahalaan ng Pilipinas na matitigil kapag napirmahan ng bansa at Kuwait ang Memorandum of Understanding.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, pumayag na raw ang Kuwait sa ilang itinatakda sa MOU tulad ng pagbabawal na sapilitang pagbenta sa househould service workers sa ibang employer, at ang pagkumpiska ng kanilang cellphones.

Bukas na rin daw ang Kuwait na tanggalin na ang "kafala" system o ang pag-angkin ng mga employer sa passport ng OFW dahil sila ang tumayong sponsor.

Sa Marso 17, inaasahang pupunta ng Kuwait si Bello para pirmahan ang MOU.

Gayunman, posibleng irekomenda umano ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanging mga skilled worker lang ang payagang magtrabaho sa Kuwait kapag inalis ang total deployment ban. --FRJ, GMA News