Pinabulaanan ni Chief Justice Maria Lourdes ang mga hinala na maluho siya, at iginiit na mas nais niya ang simpleng buhay tulad ng malayang nakapaglalakad sa kalye at nakakabili ng mga street food tulad ng kwek-kwek.

Sa pagharap niya sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," nitong Huwebes, hiningan ng reaksyon si Sereno kaugnay sa pahayag ng isang psychologist na humarap noon sa pagdinig ng House Committee on Justice na tumalakay sa impeachment complaint na inihain laban sa kaniya.

Batay sa pahayag ng psychologist, sinabing hindi raw dapat na naitalagang punong mahistrado si Sereno dahil mababa ang nakuha nitong grado sa pagsusuri (psychological at psychiatric exam) at may manipestasyon ng grandiosity, unlimited power, sense of entitlement, and interpersonally manipulative, at iba pa.

Ayon kay Sereno, tila may halong malisya ang naturang pahayag ng psychologist at iginiit na simple lang ang kaniyang pamumuhay.

"Napakapayak ng buhay namin, marami nang nakakita ng bahay ko. Ang bahay namin ay maliit, ang pamumuhay namin ay simple, at lahat 'yan ay alam ng mga kaibigan ko, ng associate ko," sabi ng naka-leave na punong mahistrado.

Pinili raw nilang mag-asawa na maging simple ang buhay dahil sa kanilang paniniwala na ang payak na pamumuhay ay mas nakakapagpalaya  umano ng kaluluwa. 

"Ibig sabihin you will be free to be generous to people. When anyone is in need because you live deliberately a simple life, you can be generous," aniya.

"Second, it also frees you from too  much attachment to this world. And because I'm a magistrate it frees me even to avoid conflict of interest. Kasi wala akong masyadong interes sa materyal na bagay," paliwanag pa niya.

Sinabi pa ni Sereno na kung tatanawin niya ang pinagdaanan nila, mas maganda umano ang simpleng buhay na malayang nakakalakad sa kalsada.

"Simpleng short, T-shirt, naglalakad sa kalye, bibili ng mga sidewalk food sa UP. 'Yun yung buhay na gusto ko.  Masarap 'yon eh, bibili ka ng kwek-kwek, karyoka,  turon.  Masarap 'yon, mura pa," pahayag pa niya.

Iginiit niya na hindi siya kilala ng taong nag-aakusa sa kaniya.

"Paano mo gagawing compatible ang sinasabi ng tao na hindi man lang ako nakakausap. Nagbabasa lang ng diyaryo, tsismis pa sa diyaryo ang binabasa tapos itong bintang niya sa akin baliktad sa facts," sabi ni Sereno.

Panoorin ang buong panayam kay Sereno sa "SONA":

--FRJ, GMA News