Napatay ng mga pulis ang umano'y dating tauhan ni self-confessed drug distributor Kerwin Espinosa matapos umanong manlaban habang hinahayinan ng warrant of arrest sa Ormoc City nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat sa Balitanghali nitong Linggo, nakilala ang suspek na si Max Miro.

Napaslang si Miro matapos umanong manlaban nang hayinan  ng warrant of arrest bandang 10 ng gabi sa bahay ng kanyang live-in partner sa Barangay Bantigue.

Dati nang sumuko sa pulisya si Miro kasunod ng panawagan ni dating Albuere, Leyte mayor Rolando Espinosa.

Napaslang na rin ang dating alkalde noong Nobyembre 2016 sa isang kontrobersiyal na operasyon ng lokal na pulisya sa kanyang kulungan sa Baybay City Sub-Provincial Jail. —ALG, GMA News