Pansamantalang nakalabas ng kaniyang piitan nitong Lunes sa Philippine National Police Custodial Center si Senador Leila de Lima para magpasuri sa Philippine Heart Center sa Quezon City.

Pinayagan ni Judge Amilia Corpus ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 na makalabas ng piitan si De Lima para maipasuri ang kalagayan ng kaniyang atay o liver.

Sa petisyon ng senadora noong Pebrero 22, hiniling niya sa korte na masuri siya ng doktor kaugnay ng hinihinalang bukol sa kaniyang atay.

Mahigit isang taon nang nakadetine si De Lima matapos siyang akusahan na may kinalaman siya sa umano'y transaksyon ng iligal na droga sa New Bilibid Prison nang siya pa ang kalihim ng Department of Justice.

Mariing itinanggi ni De Lima ang mga paratang laban sa kaniya.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na walang dapat ikabahala sa kaniyang kalusugan kaugnay sa pagpapasuri niya sa doktor nitong Lunes.

"There is nothing to worry about. This is just part of a routine medical check-up to determine if I should go through an operation to avoid any complications," saad ng mambabatas.

Ayon sa senador, nakita ang "impression of a liver mass” nang isagawa ang taunang medical examination sa kaniya noong Pebrero 15 sa Philippine National Police (PNP) General Hospital.

Iminungkahi umano ng mga doktor na magsagawa pa ng ibang pagsusuri sa kaniyang atay tulad ng “CT Scan (tri-phase)" kaya humiling sila ng pahintulot sa korte na madala siya sa ibang ospital.

Tiniyak ni De Lima na kaagad niyang ipapaalam sa publiko ang magiging resulta ng eksaminasyon sa kaniyang atay.

"Bilang bahagi ng pananagutan ko bilang lingkod-bayan, agad ko pong ipagbibigay alam sa publiko ang resulta ng nasabing medical examination ukol sa estado ng aking kalusugan," aniya.

Patuloy pa niya, "Makakaasa po kayo, patuloy kong haharapin ang mga imbentong kaso laban sa akin. Patuloy ko ring gagawin ang aking obligasyon para sa kapakanan at karapatan ng ating mga kababayan."— FRJ, GMA News