Nangangailangan ngayon ng Type A negative na dugo ang isang batang babaeng natamaan ng ligaw na bala sa ulo nitong Lunes ng hapon sa Barangay Kasilawan, Makati, ayon sa ulat ni Rida Reyes ngayong Martes sa Unang Balita.

Naglalaro sa harap ng kanilang tindahan si Sophia Camilon, isa at kalahating taong gulang, nang tumagos sa kanyang ulo ang isa sa ilang balang biglang pinakawalan sa kanilang kalye.

Agad na sinugod si Sophia sa Sta. Ana Hospital, kung saan nananatili ang bata sa kritikal na kundisyon dahil sa dami ng dugong nawala nito.

Umapela ang ina nito na si Janelyn Camilon na humarap na ang nagpakawala ng mga balang dapat sana'y para sa target nitong si Jerome Hernandez, na siyang natagpuang dead on the spot.

"Makonsensya ka naman. Bata 'yung natamaan mo. Wala ka bang anak? Diyos ko ka, hindi ka naawa sa bata. Kami tuloy ang nahirapan, lalo na 'yung bata. Wala namang kamuang-muang 'yun," pagsuwat ni Janelyn.

Humiling si Janelyn sa sinumang may Type A negative na dugo na mag-donate sa kanyang anak.

Wala pa ring nakakakilala sa nakabaril kay Jerome ni kay Sophia, na sakay ng motorsiklo at 'di nahagip ng kalapit na CCTV camera. Hindi gumagana sa mga oras na iyon ang CCTV.

"Kung meron mang nakakaalam kung anong nangyari sa kanya (ay ipagbigay alam sa awtoridad)," hiling ni Kagawad Rodel Marfori, bayaw ni Jerome.

Patuloy na nag-iimbestiga ang Makati police sa krimen. —Rie Takumi/KG, GMA News