Dismayado umano at kinompronta ni Pangulong Rodrigo Duterte si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kaugnay sa pagkakaabsuwelto nina  Peter Lim at Kerwin Espinosa sa kasong iligal na droga," ayon kay presidential spokesman Harry Roque.

Sa kaniyang Facebook post nitong Martes ng gabi, sinabi ni Roque na dismayado umano ang pangulo sa kinalabasan ng kaso laban kina Lim at Espinosa, at ilan pang akusado na pinawalang-sala ng prosekusyon ng DOJ sa kasong iligal na droga dahil sa mahina raw ang ebidensiya ng Criminal Investigation and Detection Group.

"'Pag nakawala 'yan si Lim at Espinosa, siya ang ipapalit ko. I can review that dismissal order," pahayag umano ni Duterte kay Aguirre sa ginanap na AFP-PNP command conference sa Malacañang.

"Nag-amin na nga sa Congress! Why not admit it as evidence against him?" dagdag pa umano ng pangulo.

Ang tinutukoy ni Duterte ay ang pag-amin na ginawa noon ni Espinosa sa pagdinig ng Senado tungkol sa pagkakasangkot niya sa pamamahagi ng droga sa ilang lalawigan.

Bumuo na umano si Aguirre ng three-man panel of prosecutors na inatasang repasuhin ang naunang desisyon na pawalang-sala sina Lim at Espinosa.

Ang lupon ay pinangungunahan umano ni Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, na humawak na rin ng ibang kaso na may kaugnayan sa droga.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi pa pinal ang inilabas na resolusyon ng piskalya ng DOJ tungkol sa kaso nina Lim, Espinosa at iba pa.

Sinabi ni Roque na maaaaring magsumite ng panibagong ebidensiya ang mga pulis at muling maghain ng kaso.

“But we need to be very careful that at this stage, that the evidence would be complete to sustain a conviction when filed before the courts,” sabi ni Roque. — FRJ, GMA News