Bistado ang operasyon ng isang pekeng dentista sa Mabini, Batangas na ang mga gamit umanong dental equipment, mga gamit na pang-construction at sasakyan tulad ng martilyo, plais at jack.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang surveillance video ng Mabini police para makumpirma ang sumbong laban sa nagpapanggap umanong dentista na si Leopoldo Mañibo.

Sa video, makikita ang aktuwal na pagsusukat ni Mañibo sa mga undercover agent ng Philippine Dental Association at Mabini police na nagpanggap na kliyente para magpagawa kunwari ng pustiso at retainer.

Nang makuha ang hudyat, kaagad sumalakay ang raiding team at dinakip si Mañibo.

Nakita ng raiding team sa nagsisilbi niyang "klinika" ang dugyot na mga gamit tulad ng plais, nipper, martilyo at mayroon pang jack para sa kotse.

Ayon kay Dr. Francis Abrahan, chairman, PDA-Batangas chapter, peligroso ang ginagawa ni Mañibo dahil maaari itong pagmulan ng pagkakahawa ng mga sakit.

"Ang mga tao malalaman nila na unang-una 'pag may AIDS, hepa [ang pasyente], transfer sa susunod na pasyente. Ito ang sinasabi naming mga complication kasi hindi sila gumagamit ng mga...hindi malilinis 'yung ginagamit. Hindi sterile, walang gloves, puro kalawang na," sabi ni Abrahan.

Hindi rin umano pang-dentist o dental technician ang mga nakitang gamit sa lugar ng suspek.

Sinabi naman ni Mañibo na hindi niya alam na bawal ang kaniyang ginagawa kaya ititigil na niya.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa illegal practice of dentistry ang suspek.

Pinayuhan naman ni Dra. Edna Bermas, president, Batangas City Dental Chapter, ang publiko na mag-ingat at huwag basta maghabol sa murang serbisyo ng dentista.

"Baka lalo tayong mapamahal sa huli. Baka panibagong problema ang ma-encounter natin at magkaroon ng infection," payo niya. --FRJ, GMA News