Mistulang nakipagpatintero mula ang isang kawatan sa Makati City sa pinsan ng kaniyang mga biniktima bago tuluyang nakatakas bitbit ang mga nakulimbat na gadgets at pera na tinatayang aabot sa P127,000.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing tinutugis ngayon ng pulisya ang kawatan na nahuli-cam ang panloloob sa isang bahay sa Makati City.

Sa video, makikitang pumasok ang suspek sa isang kuwarto kung saan natutulog ang tatlong lalaki.

Maingat niyang kinuha ang mga gamit ng mga biktima at sinilip pa ang laman ng wallet na kaniyang kinuha bago lumabas ng bahay.

Pero paglabas ng suspek sa bahay, nagulat siya nang makitang may tao sa nakaparadang sasakyan at hinarang siya.

Ayon kay Youscooper Hamdani Lao, ang nag-upload ng video, pinsan niya yung nasa sasakyan at tinangka niyang harangin ang kawatan.

Mabilis namang nakaakyat sa bubungan ng kotse ang kawatan at tumalon sa kabilang van na nakaparada bago tuluyang nakatakas.

Hindi na rin nahabol ang kawatan dahil nagbanta umano itong magpapaputok ng baril.

Naireport na umano sa pulisya ang insidente at nagpapasalamat na rin ang mga biktima dahil walang napahamak sa kanila.-- FRJ, GMA News