Inakusahan ng isang buntis ng panghahalay ang apat na pulis sa Meycauayan, Bulacan. Nangyari umano ang krimen nang magkataon na malapit siya sa lugar kung saan nagsasagawa ng anti-drug operation ang mga pulis.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng 29-anyos na si "Dolores," hindi niya tunay na pangalan, na halinhinang siyang inabuso ng mga pulis sa harap pa mismo ng kaniyang dalawang-taong-gulang na anak.

Kuwento ng biktima, naniningil lang daw siya noon ng pautang kasama ang kaniyang anak noong Marso 6 sa Barangay Bangkal, Meycauayan, at tiyempong nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa lugar.

Nasa isang bahay umano ang biktima at doon na raw siya pinag-interesan ng mga pulis.

"May isang pulis na pumasok, sabing ganu'n, 'Pare ano 'yan?' Sabing ganu'n. Sabi niya, 'Ulam 'to pare. Gusto ko lang din magmerienda. Ikaw?' Sabi niya, 'Baka ikaw gusto mo?," lahad ng biktima.

Ginahasa rin umano siya ng pangalawang pulis, at sumunod pa ang dalawa pa nilang kasamahan.

Ayon kay Dolores, isinakripisyo niya ang kaniyang sarili para hindi galawin ng mga pulis ang kaniyang batang anak na inalisan pa daw ng saplot pang-ibaba.

"Sinabihan po nila ako na 'Kung ayaw mo, gusto mo 'yung anak mo na lang?' Hanggang sa 'yung anak ko nakatayo lang sa upuan, tinanggal po nila 'yung panty, itinaas nila 'yung dress ng anak ko tapos tinanggal nila 'yung diaper," saad pa ng biktima.

Pitong linggo na raw siyang buntis nang mangyari ang krimen. Pero nang muli siyang nagpasuri sa doktor nitong nakaraang Sabado, wala na raw makitang palatandaan ng buhay sa kaniyang sinapupunan.

"Last Saturday nagpa-ultrasound ulit ako, kasi nga po masakit 'yung gan'to ko. Na-detect po, wala nang ma-detect na bata," sabi niya.

Sa Police Provincial Director ng Bulacan, itinuro ni Dolores ang tatlo sa apat na pulis na nanggahasa umano sa kaniya na sina PO2 Jefferson Landrito, PO1 Marlo Delos Santos at PO1 Jeremy Aquino.

Depensa ng mga suspek, nakita nila si "Dolores" nang magsagawa sila buy-bust operation ngunit raw hindi nila ito pinansin dahil hindi ito ang target ng kanilang operasyon.

"Basta malinis po konsensiya ko sir. Wala po kaming ginawang kasalanan, sir. Taas noo po kaming haharap sa kanila kahit kanino po," sabi ni Landrito.

Ayon pa sa mga itinuturong pulis, may mga testigo sila na magpapatunay na hindi nila ginawa ang panghahalay.

"Tatlo po ang anak ko sir, puro babae kaya malabo ko pong gawin 'yun sir kasi malaki respeto ko sa babae sir," saad pa ni Landrito.

Dinisarmahan ang tatlong pulis at pinagbawalang lumabas ng kampo habang patuloy ang imbestigasyon.

"I will not tolerate any wrongdoings of my men. They Will be administratively relieved to prevent harassing itong complainant," sabi ni Senior Superintendent Romeo Caramat Jr., Provincial director, Bulacan Police. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News