Na-cremate na ang mga labi ng ginang na pinagputol-putol ang katawan nang kaniya mismong mister sa kanilang bahay sa Quezon City. Naalala naman ng pinsan ng biktima ang sinabi noon ng suspek na babalatan niya ang asawa kapag nagloko pero hindi raw nila sineryoso.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, muling pumatak ang luha ng mga mahal sa buhay ng biktimang si Hiede Estrera matapos na i-cremate ang kaniyang mga labi kaninang umaga.

Dahil nasa Iloilo ang ina at kapatid na babae ni Hiedi, tanging ang nag-iisang kapatid na lalaki ng biktima na si Tonton ang nasa Maynila.

Hindi niya napigilan ang maiyak nang makaharap na ang abo ng pinakamamahal na yumaong kapatid. Hangad niyang mabigyan ng katarungan ang biktima.

"Buhay ang kinuha niya, ma'am, dapat buhay kapalit. Sa akin sana pagdusahan niya ginawa niya. Alam niya 'yan," naiiyak na sabi ni Tonton.

Labis naman ang hinagpis ng tiyahin ni Hiede na si Catalina Espinosa sa sinapit ng pamangkin.

"Mabait lang po 'yon kasi 'pag may problema pumupunta sa 'kin. Hindi ko masabi lahat," naiiyak niyang pahayag.

Ang pinsan ni Hiedi na si Nidalyn Fortunato, naalala ang pagkakataong pinagbantaan umano noon ng suspek na si Orlando ang biktima na hindi nila sineryoso.

"Nagsalita s'ya na 'pag nagloko 'to babalatan ko ito. 'Yun lang sabi n'ya. Tapos hinihimas-himas n'ya yung balikat ng pinsan ko," kuwento ni Fortunato.

Hindi raw nila pinansin ang naturang sinabi ni Orlando at naalala lang nila nang mangyari na ang karumal-dumal na krimen.

"In-ignore lang namin 'yon. Tapos ngayon lang namin na-recall na siguro noon pa lang may plano na s'ya," sabi ng pinsan.

Nakakulong pa rin si Orlando sa Quezon City Police-CIDU sa Camp Karingal, at nahaharap siya sa kasong parricide.

Walang piyansang inirekomenda ang Quezon City Prosecutor's Office. -- FRJ, GMA News