Isang babaeng family driver sinampahan ng kasong technical carnapping matapos matuklasan ng kanyang amo na isinangla niya ang kotseng nirenta nito sa kanya.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Miyerkules, tinutugis ng mga otoridad ang 34-anyos na suspect na kinilala bilang Mylene Macalino Velasco.

Ayon sa amo ni Velasco, inupahan niya kay Velasco ang kotse sa loob ng isang buwan ngunit hindi ito nabalik sa takdang petsa.

Nadiskubre din ng may-ari ng kotse na naisangla ni Velasco ang Vios.

"Hindi niya sinabi na sinangla niya. Nahuli ko lang siya...Connect the dots. Nakikita ko na sa ibang lugar 'yung kotse. Pero sinasabi niya sa isang lugar siya," ayon sa may-ari.

Sa tulong ng GPS tracking device ng kotse, na-locate ang sasakyan sa Barangay Subic Ilaya sa Agoncillo, Batangas.

Nahanap at narekober ng Task Force Limbas ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa pangunguna ni Police Inspector Edgar Miguel.

Natukoy din kung kanino isinanla ang kotse at sinabi nito na nakilala lang raw niya sa social media si Velasco. Naisangla ang kotse sa halagang P48,000.

"Kung nakita nilang maayos kausap 'yung isang tao, nakita na mabait, pagsasamantalahan na. 'Yun ang dapat iwasan natin. So 'yun, natiyempuhan ako, 'yung driver ko, akala mo mabait, pero hindi pala," dagdag niya.

Ayon sa may-ari, hindi raw niya sasampahan ng kaso ang pinag-sanglaan, pero desidido siyang kasuhan ang kanyang driver na nananatiling at-large.

Nagbabala naman ang hepe ng Motor Vehicle Concern Section ng Highway Patrol Group (HPG) na huwag magpa-biktima sa  mga modus ng technical carnapping.

"Mayroon na tayong bagong tinatawag na mode of carnapping which is the technical carnapping. Ito ang  'rent-sangla,' 'rentangay', at 'assume balance.' Una, bago kayo tumanggap, tignan niyong mabuti ang papeles na dapat original," ani Police Inspector John Paul Abangan.

"Magpapa-assume balance ka, siguraduhin mo na itong tao na ito. Babayaran niya sa bangko. Kung hindi, ikaw ang hahabulin ng bangko. Ikaw 'yung kakasuhan. So dapat maging maingat," dagdag niya.

Sa datos ng PNP nitong 2018, nakatanggap na raw sila ng mahigit kumulang 100 reklamong konektado sa pag-renta at pag-sangla ng sasakyan. — Margaret Claire Layug/BAP, GMA News