Arestado ang isang 16-anyos na lalaki matapos siyang ireklamo ng panggagahasa ng isang 15-anyos na babae na nangyari umano sa ilalim ng Edsa-Ortigas flyover.  Ang biktima, nagpatulong lang daw sa suspek na hanapin ang kaniyang kaibigan.



Sa ulat ni Jam Sisante sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng biktima na ngangalakal ng basura at itinago sa pangalang Mae, nagpasama siya sa suspek na hindi niya kilala para hanapin ang isa niyang kaibigan.

Pero nang magawi daw sila sa madilim na bahagi ng kalsada, puwersahan daw siyang hinila ng suspek sa ilalim ng flyover na may mga halaman at doon pinagsamantalahan.

Nagpumiglas daw ang biktima pero tinakot siya ng suspek na babagsakan ng bato.

"Sabi ko po tama na 'wag niyang ituloy. Tapos parang nagagalit pa sir, gusto niya bagsakan ako ng bato," anang biktima.

Nang magkaroon ng pagkakataon na makawala, kaagad siyang nagsumbong sa mga pulis at naaresto naman ang suspek.

Dahil menor de edad din ang suspek, pinag-aaralan pa kung masasampahan siya ng reklamo habang nasa pangangalan ng Department of Social Welfare and Development.-- FRJ, GMA News