Maide-deploy na sa Japan ang may aabot sa 1,000 household service workers na umuwi sa Pilipinas mula sa Kuwait simula ngayong Mayo, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Miyerkoles.

Sa isang chance interview, sinabi ni Bello na sapat ang kakayahan ng OFWs mula Kuwait upang mabigyan sila ng trabaho sa ibang bansa.

Matatandaaang daan-daang distressed OFWs sa Kuwait ang umuwi sa bansa bunga ng mga insidente ng pagmamalupit sa mga sa mga migranteng manggagawa at nagpalabas ng amnesty program ang Kuwait sa mga overstaying at mga dayuhang manggagawa sa kanilang bansa na walang kontrata.

Dahil sa umano'y kalupitan ng ilang Kuwaiti employers, nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng temporary ban ng deployment sa Kuwait.

Tuluyan namang idineklara ng pamahalaan ang total deployment sa Kuwait matapos matuklasan ang sinapit ng OFW ni Joanna Demafelis ng Sara, Iloilo, na pinatay ng kaniyang mag-asawang amo (Lebanese at Syrian) at inilagay ang kaniyang bangkay sa freezer.

Iginiit ng Pilipinas sa Kuwait ang isang memorandum of understanding (MOU) na magsisiguro sa kaligtasan at kapakanan ng mga OFW doon, bago tanggalin ang total deployment ban.

Naghihintay na lamang ng lagda ng magkabilang  panig ang MOU. —LBG, GMA News