Huli na nang malaman ng isang ambulance driver na anak niya pala ang kaniyang nirespondehan na nasawi matapos sumalpok ang inangkasan nitong motorsiklo sa isang tricycle sa Nabua, Camarines Sur.

Sa News To Go nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Cristine Nikki Velitario, 24 anyos na nurse, na ihahatid sana pauwi ng rider na si James Carl Flores.

Napag-alamang galing sa inuman ang dalawa, at nakainom umano si Flores.

Mabilis umano ang pagpapatakbo ni Flores kaya nabangga nito ang likod ng isang tricycle.

Tumilapon ang biktima sa lakas ng impact at nabagok ang kaniyang ulo.

Rumesponde ang mga awtoridad, kabilang na rito ang tatay ng biktima at ambulance driver na si John Darrell Velitario.

Isinugod ang biktima sa ospital, at dito na nalaman ng ama na anak niya pala ang naaksidente.

Ligtas naman si Flores at ang mga sakay ng tricycle.

Pinaplano ng pamilya ng biktima na sampahan ng reklamo ang rider ng motorsiklo.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Flores. —Jamil Santos/KBK, GMA New