Nakahuli na naman ng tutulog-tulog na pulis sa isang istasyon si National Capital Region Police chief Director Oscar Albayalde sa kaniyang pag-iikot noong Martes ng gabi hanggang madaling-araw nitong Miyerkoles.

Nasiyahan na sana si Albayalde sa ipinakita ng mga pulis, ngunit sa last stop niya, sa Police Community Precinct (PCP) 4 ng San Juan City, walang bantay doon sa kaniyang pagdating.

Sa ulat ng "Unang Balita," sinabing nagkagulatan pa na nakapasok sila [Alabayalde at mga kasama] sa istasyon dahil tulog ang station commander.

Pahayag umano ng nahuling natutulog, halos 24-oras na umano siyang naka-duty.

Sabi namang ni Albayalde, "Understandable naman iyong huli. Magdamag, maghapon, buong araw silang gising... But again, sabi nga natin ayaw na ayaw natin ay nandoon sila sa loob nagre-relax lang. Hindi nila alam na nanduon na kami sa loob."

Giit niya, "[Paano] kung masamang elemento [ang pumasok]... binaril na pareho iyan,  kinuha na ang baril."

"Parating na ang anibersyarsyo ng NPA [New People's Army], kaya ito pinapaigting natin ang lahat ng mga istasyon natin sa metro manila," dagdag niya. 

Nagpunta rin umano si Albayalde sa PCP 3 sa Taguig City at may naabutan na gising na bantay ang grupo niya.

Pinagsabihan din ni Albayalde ang mga kabataang nabagansiya.

Sunod na inikot ni Albayalde ang PCP 6 sa Parañaque, at doon may naabutan din siyang gising na bantay na pulis.

Nagpunta rin ang grupo ni Albayalde sa PCP 3 at 4 sa Makati City at maayos na inabutan niya ang mga pulis sa presinto.

Maging sa checkpoint sa Edison Street sa Barangay San Isidro maayos ang pagbabantay ng mga pulis.

Napagalitan ni Albayalde ang isang pulis na nakasakay sa isang mobile sa may EDSA Extension dahil mag-isa lamang ito. Aniya, bawal ito at dapat may-buddy ang pulis. Delikado umano ang ginagawa ng nag-iisang pulis sa mobile.

Wala rin umanong nakita si Albayalde na iregularidad sa mga istasyon sa Arellano, Remedios at Pedro Gil sa Maynila.

Pisnag-report ni Albayalde sa NCRPO ang mga pulis na nahuling natutulog sa oras ng duty.

Matatandaang sa unang pag-iikot ni Albayalde sa Kamaynilaan, nakahuli siya ng mga pulis na tulog at nag-inuman sa loob ng isang istasyon. Naparusahan na ang mga nasabing pulis. —LBG, GMA News