Isang dose-anyos na lalaki ang nahuli sa CCTV na pinasok ang isang bahay sa Laguna, ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, nakitang pinag-aaralan ng batang lalaki kung paano makapapasok sa target na bahay. Makalipas lang ang ilang sandali, nakapasok na ang bata at paglabas niya ay may bitbit na mga gamit.

Nakuha ng bata ang apat na cellphone, isang laptop at isang handheld gaming console.

Nagsumbong sa barangay ang may-ari ng bahay, at matapos mapanood ang CCTV, agad nakilala ng mga awtoridad ang bata na nakatira pala sa kalapit na lugar.

Bukod sa CCTV, madali ring nabisto ang bata matapos mag-post nito sa social media ng larawan kasama ang kanyang mga kaibigan, at kita rito ang ilang gamit na kanyang tinangay.

Ipinatawag ng barangay ang batang suspek, at ito ay umamin at umiyak habang sinesermonan.

Hindi nabawi ang lahat ng nakuhang gamit. Kulang na ang naibalik na cellphone, at burado na ang laman ng laptop. —KG, GMA News