Patay ang isang pulis sa Taguig City matapos aksidente umanong mabaril ng kapwa niyang pulis nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Police Officer 1 Adrian Bermas.

Ayon sa kabaro niyang si Police Officer 1 Pamfilo Arguta, Jr., tine-testing lang niya umano ang service firearm ni Bermas habang nasa labas ng tinutuluyan sa Dial compound.

Hindi raw napansin ni Arguta na naisalpak umano ng biktima ang loaded na magazine sa baril. Kwento niya, nagulat na lang daw siya nang bigla itong pumutok.

"Hindi ko na alam n'ung pag-dry fire ko ulit, ayun na. Doon na kami nagulat na biglang...may pumutok," giit ng suspek.

Base sa report ng Southern Police District, nagtamo ng tama sa dibdib si Bermas at dead on arrival na nang maidala ito sa ospital.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng nasawing pulis.

Parehong miyembro ng Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office ang suspek at ang nasawing biktima.

Ang mensahe ni Arguta: "Humihingi ako ng pasensya. Patawad. Nabigla ako. Hindi ko naman gustong mangyari 'yung gano'ng ano eh,"

"Magkakasama kami niyan, sa training school pa lang. Kami-kami na magkakasama. Talagang aksidente lang, ma'am, 'yung nangyari," dagdag niya. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News