Sinaksak at napatay ng isang lulong sa droga na ama ang sarili niyang anak sa Barangay Kasanyangan, Zamboanga City nitong Linggo ng hapon.

Sa ulat sa Unang Balita, armado ng dalawang bolo ang suspek na si Gapor Alkasaya, 40, nang saksakin niya sa leeg ang dalawang-taong-gulang na anak na babaeng si Ayana Alkasaya.

Lango umano sa droga ang suspek nang maganap ang krimen sa kanilang bahay sa Hanapi Drive bandang alas-dos ng hapon.

Agad na tumakbo ang suspek sa bahay ng kanyang kapatid na babae, kung saan siya inabutan ng mga pulis.

Sinubukan pa rin umano ng suspek na labanan ang mga pulis gamit ang dalawang bolo pero binaril siya ng mga awtoridad sa binti at noo.

Nabuhay naman ang suspek nang madala sa hospital. Nahaharap na siya sa kasong parricide.

Ang kanyang anak naman ay agad na inilibing ng mga kamag-anak nila. —ALG, GMA News