Patay ang isang 52-anyos na ama matapos siyang palakulin ng lalaki na nakaalitan ng kaniyang anak na kaniyang kinausap sa Candelaria, Quezon. Ang biktima, isang overseas Filipino worker na pabalik na sana sa Dubai.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Efren Cornejo, na babalik na sana sa Dubai para sa kaniyang trabaho sa susunod na linggo.

Ayon sa anak ng biktima, sinubukan ng kanilang ama na makipag-ayos sa lalaking nakaalitan ng isa niyang kapatid.

Nakita naman daw ng mga kaanak ng suspek na si Jhomel Marasigan, na nagkamay ang dalawa pero kinalaunan ay sinundan pa rin ng huli ang biktima at saka pinagtataga ng palakol.

Nakatakas si Marasigan pero nakuha ng mga awtoridad ang palakol na sinasabing ginamit niya sa pagpatay sa biktima.

Patuloy ang naman na pinaghahanap ng mga pulis si Marasigan at humingi na rin ng tulong ang mga kaanak ng biktima sa pamamagitan ng social media para madakip ang suspek.--FRJ, GMA News