Patay ang isang ginang habang sugatan ang kaniyang siyam na taong gulang na anak matapos na pasukin sila sa bahay ng kapitbahay nilang binatilyo at pagsasaksakin sa Davao del Sur.  Ang suspek, kilala raw na sakit ng ulo sa lugar at gumagamit ng solvent at rugby.

Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing natagpuan ang duguang bangkay ng ginang na si Analiza Molde, 47-anyos, sa loob ng kanilang bahay sa Purok Maharlika Roxas Ext., Digos City noong Huwebes.

Nagtamo ng walong saksak ang biktima, habang sugatan din ang kaniyang anak na patuloy na nagpapagamot sa ospital.

"Base sa imbestigasyon namin, dumaan daw sa bintana ang suspek at nagkasagutan sila ng biktima(ina) na naging dahilan ng kanilang pagkasaksak," sabi ni Police Superintendent Deozar Almasa, chief ng Digos City Police.

Naaresto sa follow-up operation ang suspek na si alyas "Kent," 16-anyos, na kilala sa kanilang lugar na sakit ng ulo.

Nakilala siya bilang suspek matapos na makita sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang isang pulang t-shirt  na katulad ng t-shirt na suot niya sa isang litrato.

Ayon sa ilang residente, matagal nang problema sa kanilang lugar ang suspek, na ilang ulit na raw dinakip dahil sa pagsinghot ng solvent.

"Ang sinabi ni Analiza na may gusto daw 'yon sa kaniya, hindi ko lang alam kung anong gusto 'yon. Tapos biglaan lang daw pumapasok sa bahay niya," sabi ni Nene Lustre, kaibigan ng biktima.

"Notorious na talaga siya sa paggamit ng rugby," ayon naman kay Armando Dansil, purok chairman.

Hindi raw alam ng lolo at lola ng suspek ang ginawa ng kanilang apo dahil bigla itong umalis ng kanilang bahay nang mangyari ang krimen.

Pero aminado sila na gumagamit ng solvent at rugby ang binatilyo.

"Hindi shabu, rugby gamit niya. Oo, napapaiyak ako kapag sinasaway ko siya," anang matanda.

Nasa kustodiya na ng social welfare department ang menor de edad habang dinidinig ang reklamong murder at frustrated murder na isinampa laban sa kaniyang.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News