Pinaghahanap ngayon ang isang kasambahay na naiwan nang tatlong araw sa apartment ng kaniyang amo sa Pasig City, matapos nitong tangayin ang nasa P100,000 halaga ng pera at gadgets. Ang babae, nagpatuloy pa ng lalaki sa apartment bago siya tumakas.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Ivy San Juan, 24-anyos, na naiwang mag-isa sa apartment dahil nanganak ang kaniyang amo noon at nasa ospital.

Sa halip na gawin ang mga gawaing bahay, nagpatuloy si Ivy ng isang lalaki, kahit ipinagbabawal ito ng pamunuan ng building.

Nahagip pa sa CCTV si Ivy at ang lalaki na bumibili ng alak sa labasan.

Kinaumagahan na nang lumabas ang lalaki sa apartment, matapos patuluyin ng dalaga sa kuwarto ng amo niya.

Lumipas muli ang ilang araw, nahagip uli si Ivy ng CCTV na umaalis at may mga dalang balutan.

Nakalagay umano rito ang mga pera at gadgets ng amo.

Nagawa pang mag-selfie ni Ivy sa kaniyang social media account suot ang blouse ng amo.

Iniulat na ito sa Pasig Police at tinutugis na siya ngayon at ang lalaking pinaniniwalaang kasabwat niya.

Maaaring makipagtulungan sa mga biktima ang sinumang may impormasyon sa mga suspek.

"Magpakita na lang sila, kung hindi talaga sila guilty talaga sa ginawa nila," sabi ni Ghie, building administrator. Jamil Santos/NB, GMA News