Inaresto sa bisa ng arrest warrant nitong Lunes ng umaga ang umano'y mastermind sa Wahana investment scam sa lungsod ng Las Piñas. Gayunman, sinasabing pinayagan din siya ng korte na makapagpiyansa.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "24 Oras," kinilala ang suspek si Ma. Lysa Soler. Dinakip siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206.

Sinasabing nangangako umano ang grupo ni Soler ng hanggang 48 porsiyentong tubo kada buwan sa mga hinihikayat nilang maglagay ng puhunan sa kanilang negosyo.

Karaniwan umano hinihimok ng grupo ang mga pulis at overseas Filipino workers (OFWs).

Base sa imbestigasyon, nasa preliminary investigation ng prosecutor's office para sa iba pang kaso si Soler nang damputin siya dakong 11:00 am.

"Mayroon po kasing ibang warrants dahil sa Las Piñas City Police Station alone maraming mga nai-file na syndicated estafa. Maraming complainants kasi na pumunta rito regarding doon sa Wahana Lending and Credit Corporation," sabi ni Police Senior Superintendent Marion Balonglong, hepe ng Las Piñas City Police Station.

Nagtakda ng P16,000 na piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan si Soler. Dakong 3:00 p.m. nang umalis sa tanggapan ng pulisya ang suspek kasama ang kaniyang abogado.

Tumanggi si Soler na magbigay ng pahayag tungkol sa mga alegasyon laban sa kaniya.

Ayon naman sa kaniyang abogado, pinoproseso nila ang paglalagak ng piyansa ni Soler.

Tiniyak namang ng pulisya na hindi makatatakas si Soler at may kasama raw itong pulis mula sa warrant and subpoena section nang umalis sa kanilang tanggapan.

Muli namang nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging maingat at huwag basta-basta pumasok sa mga investment na nagbibigay ng pangako na may malaking tubo na hindi kapani-paniwala. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News