Dahil sa hindi raw pagkakaunawaan, nagpambuno sa beach ng Boracay ang isang turistang Korean at isang Chinese habang naghihintay na makasakay sa "paraw" o bangkang may layag.

Makikita sa video post sa Facebook ni Ariel Gad, ang dalawang dayuhan na nagpapambuno sa white sand beach ng Boracay na nakatakdang isara pansamantala sa Abril 26 para sa isasagawang rebilitasyon.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa kung sino ang unang dapat makasakay sa paraw.

Gayunman, naawat kaagad ang dalawa at kinalaunan ay pareho rin silang nakasakay sa paraw na isa sa mga atrasksyon sa sikat na pasyalan.

Ipinost ang naturang video sa FB noong Abril 12.

Una nang sinabi ng Department of Tourism (DOT) na papayagan pang manatili sa Boracay ang mga turista na nakapagpa-book na bago ang pagsasara sa Abril 26.—FRJ, GMA News