Humingi ng paumanhin si Vice President Leni Robredo nitong Martes kaugnay sa larawan niya na kasama ang ilang miyembro ng Liberal Party habang nasa holocaust memorial sa Germany na pinupuna ng ilang netizens.

"Ako, I think they have a point, and in fact, gusto ko mag-apologize for offending the sensitivities of others," pahayag ni Robredo nang makapanayam ng mga mamamahayag sa ASEAN Forum on Enterprise for Society na ginanap sa Maynila.

Ang pahayag ay ginawa ni Robredo matapos na hingan ng reaksyon kaugnay sa mga kritisismo ng ilan tungkol sa naturang larawan niya na kasama ang ilang mambabatas ng LP.

Ayon sa ilang pumuna, hindi nararapat ang ginawang uri ng pagpapakuha ng larawan ng grupo sa holocaust memorial na nakangiti.

Nasa larawan din sina Ifugao Representative Teddy Baguilat Jr., Quezon City Representative Jose Christopher "Kit" Belmonte, Dinagat Islands Representative Kaka Bag-Ao, Marikina Representative Miro Quimbo, dating Budget Secretary Florencio "Butch" Abad, at LP President Senator Francis Pangilinan.

Ini-upload sa Twitter ni Baguilat ang naturang larawan pero inalis na rin niya sa paliwanag na, "so as not to hurt sensibilities."

Sinabi ni Robredo na walang malisya ang ginawa nilang pagpapakuha ng larawan sa holocaust memorial at hindi nila intensyon na makasakit ng damdamin.

Gayunpaman, sinabi ng pangalawang pangulo na, "There was no excuse. While there was no malice in it, ano pa din, I take full responsibility kaya I would like to apologize for whatever offense to the sensitivities of people it caused." —FRJ, GMA News