Inireklamo ng ilang magulang ang umano'y malaswang palabas na bahagi ng kapistahan ng isang barangay sa Lingayen, Pangasinan. Pero depensa ng barangay, "bikini open' ang palabas kaya natural na nakasuot ng bikini ang mga babae.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing iniimbestigahan ng Women and Children Protection Desk ng Pangasinan Provincial Police Office, ang reklamo ng ilang mga magulang sa umano'y malaswang pagsasayaw ng ilang babae na nakabikini na bahagi ng kapistahan Barangay Eztanza sa Lingayen na napanood maging ng mga bata.

Sa amateur video ng isang concerned citizen na humiling na huwag siyang pangalanan, makikita ang apat na babaeng humataw sa pagsayaw at gumigiling sa entablado.

"Oo, malaswa talaga. At saka hindi naman puwede 'yun na gagawin nila kasi maraming bata," ayon sa isang residente.

Nang ipinasuri sa pulisya ang naturang video, nakitaan ng paglabag sa anti-child pornography act at special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act ang naturang palabas.

"Kasi dito po sa Republic Act 7610, sinasabi po na dapat bawal manood ng mga malalaswang panoorin ang mga kabataan. So 'yun po 'yung as of now na nakikita ko na violation na makikita natin diyan sa video," saad ni Police Chief Inspector Jenevieve Poblete, hepe ng WCPD-PPO.

Pero ang punong barangay, walang nakikitang malaswa sa palabas at gabi naman daw ginawa ang programa.

"Siyempre ang palabas bikini open po, eh hindi naman po. Wala naman pong naghubad, nakasuot lang po sila ng bikini. Kahit po sa Miss Universe naka-bathing suit din sila," paliwanag ng punong barangay na si Hipolito Perez.

Ayon naman sa kapulisan, dapat maging ehemplo ang mga opisyal ng gobyerno at hindi magpasimuno ng mga hindi kanais-nais na aktibidad.

"Although bikini open nga yun pero yung mga pagsayaw ng ganun na medyo hindi kanais-nais at talagang bawal makita ng mga kabataan natin, dapat medyo iregulate din po nila," sabi ni Poblete. --FRJ, GMA News